Nagugulat ako sa dami ng mga napapadaan sa blog na ito. Bagamat hindi pa man umaabot ng libo ang mga napadaan, masaya pa rin ako sa higit isandaang kaluluwang naligaw sa munting sulok kong ito sa mundo ng wordpress.
Ibig sabihin, marami pa rin talagang interesado sa mga nangyayari sa ating bansa. Marami pa ring nagtatanong at gustong lumabas sa kahon ng pasibong pag-iisip.
Pinili kong paksain ng blog na ito ang pulitika kahit pa inilalagay ako nito sa posisyon na mabansagang radikal. Sa panahong ito, taliwas sa agos ang pagiging mulat pero hindi naman nangangahulugang kaya kaming lunurin ng agos na ito. Dahil, tama kayo…marami kami at patuloy na nagpaparami. Dahil mismong ang kalagayan na ang nagtuturo sa atin na hindi dapat manahimik sa gitna ng kaguluhan porke’t hindi naman direktang embwelto ang mga sarili. Involved tayong lahat dito, sa ayaw man natin o sa hindi.
Alam kong maraming mga komentong hindi ko nababasa dahil hinaharang ng aking spam blocker. Hindi sa ayaw kong makabasa ng mga komentong hindi sumasang-ayon sa akin pero may mga terminong hindi ko talaga papahintulutan sa blog na ito. Kaya kung gustong magkumento, ayus-ayusin ang mga terminong gagamitin. Makabuluhang talakayan lang naman ang habol natin sa blog na ito. Wala akong paggalang sa mga taong wala ring respeto sa pagtingin ng kanyang kapwa at may makitid na pagtingin sa mga bagay na may kinalaman sa pulitika. Ang ganitong klase ng mga nilalang ang lalong nagpapababa sa kanilang mga sarili at hindi ko sila bibigyan ng puwang dito.
Maaaring sabihin ding masyado akong natutuwa sa kapiranggot na atensyong ito. Oo, dahil mababaw lang naman akong nilalang. Kahit walang masyadong nagkokomento, nakakatuwa pa ring maraming naaakit dumaan sa abang produkto ng kakapurit na diwang nag-aambag sa mas masaklaw na kamalayang makabayan.
Muli, salamat sa mga alipato sa parang na napadpad sa aking abang sulok ng kamalayan.