Sala-salamat…

Nagugulat ako sa dami ng mga napapadaan sa blog na ito.  Bagamat hindi pa man umaabot ng libo ang mga napadaan, masaya pa rin ako sa higit isandaang kaluluwang naligaw sa munting sulok kong ito sa mundo ng wordpress.

Ibig sabihin, marami pa rin talagang interesado sa mga nangyayari sa ating bansa.  Marami pa ring nagtatanong at gustong lumabas sa kahon ng pasibong pag-iisip.

Pinili kong paksain ng blog na ito ang pulitika kahit pa inilalagay ako nito sa posisyon na mabansagang radikal.  Sa panahong ito, taliwas sa agos ang pagiging mulat pero hindi naman nangangahulugang kaya kaming lunurin ng agos na ito.  Dahil, tama kayo…marami kami at patuloy na nagpaparami.  Dahil mismong ang kalagayan na ang nagtuturo sa atin na hindi dapat manahimik sa gitna ng kaguluhan porke’t hindi naman direktang embwelto ang mga sarili.  Involved tayong lahat dito, sa ayaw man natin o sa hindi.

Alam kong maraming mga komentong hindi ko nababasa dahil hinaharang ng aking spam blocker.  Hindi sa ayaw kong makabasa ng mga komentong hindi sumasang-ayon sa akin pero may mga terminong hindi ko talaga papahintulutan sa blog na ito.  Kaya kung gustong magkumento, ayus-ayusin ang mga terminong gagamitin.  Makabuluhang talakayan lang naman ang habol natin sa blog na ito.  Wala akong paggalang sa mga taong wala ring respeto sa pagtingin ng kanyang kapwa at may makitid na pagtingin sa mga bagay na may kinalaman sa pulitika.  Ang ganitong klase ng mga nilalang ang lalong nagpapababa sa kanilang mga sarili at hindi ko sila bibigyan ng puwang dito.

Maaaring sabihin ding masyado akong natutuwa sa kapiranggot na atensyong ito.  Oo, dahil mababaw lang naman akong nilalang.  Kahit walang masyadong nagkokomento, nakakatuwa pa ring maraming naaakit dumaan sa abang produkto ng kakapurit na diwang nag-aambag sa mas masaklaw na kamalayang makabayan.

Muli, salamat sa mga alipato sa parang na napadpad sa aking abang sulok ng kamalayan.

Asin sa sugat

Masyadong maingay ang isyu ng pagkain ni GMA at ng iba pang mga opisyal ng ating bansa sa isang mamahaling restoran sa US.  Kung totoong may malas, masasabi nating inuulan ng malas itong si GMA.  Sunod-dunod ang kinasasangkutan niyang kontrobersya na lalong nagpapababa sa dati nang mababa niyang kredibilidad.  Napakaganda talaga ng tayming ng pagkakalantad ng usaping ito para lalong ilubog si GMA sa kumunoy ng kontrobersiya.

Nang mamatay si dating pangulong Cory, lalong tumingkad ang mga hindi popular na katangian ni GMA bilang pangalawang babaeng pangulo ng ating bansa.  Bagamat hindi naman perpekto si Cory, isa siyang santa kung ikukumpara kay GMA.  Hindi rin nakatulong na bago tuluyang iginupo ng karamdaman si Cory ay malinaw ang paninindigan nito laban sa mga korapsyon at anomalya sa pamahalaan habang nakaupo si GMA.  Kumbaga, naging martir lalo sa pagtingin ng sambayanan si Cory dahil sa simpleng dahilang kinamatayan na niya ang pagtuligsa at paninindigan laban sa isang rehimeng hindi popular sa mamamayan.

Ang aligagang pagtatanggol naman ng mga tagapagsalita ng palasyo ay lalo lamang nagpapaalab sa damdamin ng mamamayan.  Ang pagpipilit nila sa anggulong isang kongresista daw ang gumastos para sa mamahaling hapunan na iyon ay hindi naman angkop na paliwanag para pabahawin ang ngitngit ng sambayanan.  E, ano kung blow-out iyon ng isang kongresista?  Ang kongresista ay isa pa ring public official at may tungkulin siyang katawanin ang interes ng kanyang pinamumunuan.  Sa ginawang panlilibre ng kongresistang ito, kinatawan ba niya ang interes ng kanyang mga nasasakupan?  Sa ganito katinding hagupit ng krisis, paano nila naatim na magpasasa sa mga mamahaling pagkain gayong higit laganap ang kagutuman sa bansang kanilang pinagmulan?  At kahit sabihin pang sinagot ng isang kongresista ang marangyang hapunang ito, hindi ba pwede namang tanggihan ito ni GMA kung naisip lang niya ang magiging dating nito sa mga Pilipinong nagtitiis ng gutom sa Pilipinas?  Puwede siyang tumanggi kung gusto niya, pero lumalabas na naman na hindi niya inakalang lalabas at kakalat ang balitang ito.  At ang pagtatangka nilang iligaw ang usapin o ipagtanggol ang kanilang ginawa ang lalong nagdiin sa kanilang pananagutan sa usapin. 

Parang pagdadagdag ng asin sa sugat, lalo nilang inilayo ang kanilang mga sarili sa damdamin at sentimiyento ng taumbayan.  At nangyari pa ito sa panahong sariwa pa sa isip ng sambayanan ang pagpanaw ng isang popular na dating pangulong larawan ng kasimplehan ng pamumuhay sa kabila ng pagiging bahagi ng angkan ng mga panginoong may lupa.  Bagamat ang reputasyon ni Cory ay namantsahan ng ilang mga insidente ng kalabisan sa kanyang panahon sa puwesto, naglalahong lahat ito sa paningin ng sambayanan dahil sa naikukumpara nilang lagi si Cory kay GMA.

Minsan, iniisip ko rin kung talagang clueless lang si GMA sa magiging epekto o impact ng bawat kilos at salita niya sa sambayanan?  Bilang pangulo, siya ang kinikilalang ina ng sambayanan.  Pero malinaw sa kanyang iginagawi na hindi siya isang ulirang ina ng Pilipinas.  Ang isang mapagmahal na magulang, mas mamatamisin niya pang magutom kaysa makita niyang nagugutom ang kanyang mga anak.  Kumbaga, isusubo na lang niya, ibibigay niya pa sa kanyang mga supling.  Kaya sino ang maniniwalang may malasakit si GMA sa kanyang nasasakupan?  Sa kasaysayan ng kanyang pamumuno, bawat pagpapakita niya ng malasakit o compassion ay may kaakibat na photo ops at pilit na ngiti.  Ito ba ang sinasabi niyang sinseridad?

Talagang walang sapat na paliwanag para sa pagkakamaling ito ni GMA at ng kanyang mga alipores na nagpasasa sa isang marangyang hapunan samantalang ang karamihan sa mga Pilipino ay nananaginip nang walang laman ang tiyan.   Ang mga paliwanag na hinahabi ng mga tagapagsalita ng palasyo ay nagsisilbing insulto rin sa kakayahang magsuri ng mamamayan.

Orapronobis (pasintabi sa namayapang Lino Brocka)

Ayun…huli man daw at magaling, huli pa rin, hehe!

Hindi po ako nakimartsa sa funeral entourage ni dating pangulong Cory Aquino.  Sapat na siguro ang taimtim kong pakikiramay sa kanyang mga naulila kung paanong nagdugo rin ang puso ko sa mga naulila dahil sa mga kalabisan noong siya pa ang pangulo.

Hindi rin naman talaga masasabing perpektong pangulo si Cory.  Sa termino niya naisabatas ang CARP na nagsilbing justification sa lalong pangangamkam ng lupa ng kanyang pamilyang isang malaking panginoong may-lupa sa Tarlac.  Sa ilalim ng pamumuno niya naganap ang Mendiola Massacre, ang low-intensity-conflict at marami pang ibang manipestasyon ng pagmamalabis sa kapangyarihan.  Hindi kataka-takang ang isang kiming, madasaling biyuda ni Ninoy Aquino ay tinubuan ng kamay na bakal laban sa mga tumututol sa sistema ng kanyang pamamalakad.  Ang pulitika sa ating bansa ay “survival of the fittest” sa mula’t sapul at kinailangan niyang pumaloob sa sistemang kanyang dinatnan.

Siguro isang angkop na paglalarawan ang makikita sa pelikulang “Orapronobis” na hanggang sa kasalukuyan ay hindi maaaring ipalabas sa publiko dahil sa matatalim na kumentaryo nito sa demokrasyang sinasabing naibalik ni Cory Aquino sa mga Pilipino.  Makikita rin dito ang huwad na kapayapaang nakamit daw ng pagkilos ng mamamayan.

Wala na akong intensyong singilin si Cory Aquino sa mga naging kalabisan niya noong siya ang pangulo.  Maski papaano, nakabawas naman siguro sa bigat ng mga kalabisang ito ang pagiging progresibo niyang mamamayan kahit noong bumaba na siya sa puwesto.  Naisip ko lang isulat ang blog na ito dahil masakit na sa tenga ang mga superlatives at mga papuring iniuukol sa kanya ng media.  Gayunpaman, hindi maiaalis ang naging bahagi ni Cory sa kakapiranggot na pag-asang pinanghahawakan ng ating mga kababayan.  Isang maliit na bahagi ng pag-asang matatapos din ang napakahirap na yugtong ito sa ating bansa at muli tayong bibigkisin ng iisang adhikain bilang isang bansa.

Paalala lang na ang EDSA uprising ay tinaguriang People’s Power at hindi naman Cory’s Power.  Nagpunta ang mga mamamayan sa lansangan hindi upang suportahan ang isang personalidad na gaya ni Cory kundi upang ipagsigawan ang kanilang matagal nang kinikimkim na galit sa diktadurya.  Ang EDSA Dos ay naganap hindi para iluklok si GMA sa pwesto kundi upang patalsikin ang isang korupt na pangulo sa katauhan ni Erap.  May malaking pagkakaiba sa motibo at sa naging resulta ng mga pagkilos.

At dahil namayapa na si Tita Cory, tapos na ang kanyang kontradiksyon.  Ang ating pakikibaka ay nagsisimula pa lang kaya ang tanging request ko na lang siguro kay Tita Cory ay :

ORAPRONOBIS*

*salitang lating nangangahulugang “pray for us” pero sa pelikula ni Lino Brocka ay isinalin ito bilang “fight for us”.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.