Satirika de la SONA

Para sa ating post-sona course, narito ang ilang mga pira-pirasong patotoo na kapuri-puri ang SONA ni GMA at walang patutunguhan ang mga malalaking pagkilos (rally) ng mga mamamayan laban dito:

Dahil wala naman nang nakikinig at nanonood ng balita, busy ang mga kabataan sa kanilang mga facebook, friendster at blogs para mapansing hindi na pala kayang tustusan ng kakarampot na sahod ng kanilang mga magulang ang kanilang lumolobong gastos sa eskuwela.

Dahil aprubado na ang extension ng CARP na hindi naman talaga naging panig sa interes ng mga magsasaka samantalang ang GARB ay matagal na ring inuupuan sa kongreso.

Dahil hindi na mahalaga sa mga magsasaka kung magkaroon man ng 100% ownership ang mga dayuhan sa mga lupain nila sa Pilipinas.  Matagal nang walang sariling lupain ang mga magsasaka.  Sanay na silang magbungkal ng lupang hindi kanila at magpakain sa sambayanan nang kumakalam ang sariling sikmura.

Dahil extended na ang duration ng mga cellphone load, may unlimited calls pa nga.

Dahil sanay nang magpakabusog sa tubig ang mga manggagawang ang kakarampot na sahod ay pilit na ipinambubuhay ng pamilya, halos wala na ring ipinagkaiba sa mga natanggal na sa trabaho.

Dahil wala nang nagsasarang mga pagawaan, wala nang mga binubuwag na mga piketlayn, wala nang pinapatalsik na mga manggagawa sa gawa-gawang mga kaso at wala nang kontraktuwalisasyon.

Dahil maraming trabahong naghihintay sa mga Pinoy, sa ibang bansa nga lang at hindi naman uso ang red tape sa POEA.  Nasugpo na rin lahat ng illegal recruiters.

Dahil okey lang na mamatay ang mga mahihirap na pasyenteng walang pambayad sa mga mamahaling gamot na inilalako sa mga botikang malapit sa mga pampublikong ospital.

Dahil kailangang kumayod nang husto ang mga tsuper sa maghapong pasada, kahit natutuyuan na sila ng dugo sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pati halaga ng mga toll fee na kinokolekta sa kanila.  Hindi na nila kayang sumali sa mga tigil-pasada.

Dahil nakakasagabal ang trapik na likha ng mga rallyista sa maraming magagarang sasakyang nakakadagdag sa congestion ng trapik sa Kamaynilaan habang ang mga mahihirap ay nagtitiyagang magsiksiksan sa mga umaandar na de-lata.

Dahil durog na ang Abu Sayaff, MILF at NPA.  Unti-unti na ring nauubos ang mga aktibista at hinihinalang mga maka-Kaliwa.  Kahit kasi sinong mapaghinalaang subersibo ay dinudukot, tinotortyur o pinapatay kaya takot nang lumaban ang mamamayan.

Dahil nakikinig naman ang mga politiko sa hinaing ng mga mamamayan…lalo na pag ganitong malapit na ang eleksyon.

Dahil wala rin namang nakikinig, lahat ng mga tao ay may nakasalpak na headphone o earphone kahit habang nakikipagpatintero sa mga humahagibis na sasakyan.

Dahil hindi gagawin ng GMA na ibaba ang Martial Law.  PP 1017 at CPR lang ang kaya niya, original pa sa rehimen niya.

Dahil hindi sinusubaybayan, hina-harass at tinitiktikan ng estado ang mga telepono, cellphone at websites ng mga mamamayang nagpapahayag ng saloobing laban sa pamahalaan.

Dahil lahat ng kinasangkutang anomalya ng mga politiko ay nareresolba sa taong bayan at hindi naibabaon sa limot o ng iba pang mga iskandalo.

Dahil ipinagbunyi ng sambayanan ang pagkakabilang ni Palparan sa mga bagong-upong kongresista at tagalikha ng batas.

Dahil kinikilala ng pangulo ang mga puna sa kanyang pamumuno at hindi niya ito binabansagang mga pamumulitika lamang.  Ang mahusay na pinuno ay nakikinig sa kanyang pinamumunuan at hindi sila pinipilit na makinig sa kanya sa pamamagitan ng pagsususpinde ng klase sa lahat ng antas sa mismong araw ng kanyang SONA.

Dahil kayang ipaglaban ng bawat isa ang kanyang karapatan nang hindi pinapatay, binubugbog, pinagbabantaan, dinudukot o inaaresto.  Hindi sinasagkaan ng mga pulis at sundalo ang pagpapahayag ng saloobin ng mga mamamayang wala namang ibang armas kundi ang kanilang mga paninindigan.

Dahil ang pagrereklamo ay para lang sa mga taong walang kasiyahan sa buhay at laging nakakakita ng mali sa iba.  At dahil ang pananahimik ay simbolo ng maayos na breeding, maliban sa mga  mayayamang nangmumura ng mga hamak na mga empleyado, tama lang iyun, mayaman naman sila e.

Dahil ang komitment sa paglahok sa mga usapin ng bansa ay masusukat sa pagsusuot ng mga “in” na dog tag.

Dahil ang internet ang pinakamakapangyarihang lunsaran ng protesta.

Dahil hindi nangyari ang People power at EDSA 2 sa Pilipinas at walang pinunong pinatalsik ng sama-samang pagkilos ng mamamayan.  At hindi kailanman magkakaisa ang mga Pilipino para igiit ang kanilang mga karapatan.

Dahil kuntento na tayo sa ganito at ayaw na natin ng pagbabago.

Bravo, Gloria!  Sinalamin talaga ng SONA 2009 ang tunay na kalagayan ng sambayanan…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.