Satirika de la SONA

Para sa ating post-sona course, narito ang ilang mga pira-pirasong patotoo na kapuri-puri ang SONA ni GMA at walang patutunguhan ang mga malalaking pagkilos (rally) ng mga mamamayan laban dito:

Dahil wala naman nang nakikinig at nanonood ng balita, busy ang mga kabataan sa kanilang mga facebook, friendster at blogs para mapansing hindi na pala kayang tustusan ng kakarampot na sahod ng kanilang mga magulang ang kanilang lumolobong gastos sa eskuwela.

Dahil aprubado na ang extension ng CARP na hindi naman talaga naging panig sa interes ng mga magsasaka samantalang ang GARB ay matagal na ring inuupuan sa kongreso.

Dahil hindi na mahalaga sa mga magsasaka kung magkaroon man ng 100% ownership ang mga dayuhan sa mga lupain nila sa Pilipinas.  Matagal nang walang sariling lupain ang mga magsasaka.  Sanay na silang magbungkal ng lupang hindi kanila at magpakain sa sambayanan nang kumakalam ang sariling sikmura.

Dahil extended na ang duration ng mga cellphone load, may unlimited calls pa nga.

Dahil sanay nang magpakabusog sa tubig ang mga manggagawang ang kakarampot na sahod ay pilit na ipinambubuhay ng pamilya, halos wala na ring ipinagkaiba sa mga natanggal na sa trabaho.

Dahil wala nang nagsasarang mga pagawaan, wala nang mga binubuwag na mga piketlayn, wala nang pinapatalsik na mga manggagawa sa gawa-gawang mga kaso at wala nang kontraktuwalisasyon.

Dahil maraming trabahong naghihintay sa mga Pinoy, sa ibang bansa nga lang at hindi naman uso ang red tape sa POEA.  Nasugpo na rin lahat ng illegal recruiters.

Dahil okey lang na mamatay ang mga mahihirap na pasyenteng walang pambayad sa mga mamahaling gamot na inilalako sa mga botikang malapit sa mga pampublikong ospital.

Dahil kailangang kumayod nang husto ang mga tsuper sa maghapong pasada, kahit natutuyuan na sila ng dugo sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pati halaga ng mga toll fee na kinokolekta sa kanila.  Hindi na nila kayang sumali sa mga tigil-pasada.

Dahil nakakasagabal ang trapik na likha ng mga rallyista sa maraming magagarang sasakyang nakakadagdag sa congestion ng trapik sa Kamaynilaan habang ang mga mahihirap ay nagtitiyagang magsiksiksan sa mga umaandar na de-lata.

Dahil durog na ang Abu Sayaff, MILF at NPA.  Unti-unti na ring nauubos ang mga aktibista at hinihinalang mga maka-Kaliwa.  Kahit kasi sinong mapaghinalaang subersibo ay dinudukot, tinotortyur o pinapatay kaya takot nang lumaban ang mamamayan.

Dahil nakikinig naman ang mga politiko sa hinaing ng mga mamamayan…lalo na pag ganitong malapit na ang eleksyon.

Dahil wala rin namang nakikinig, lahat ng mga tao ay may nakasalpak na headphone o earphone kahit habang nakikipagpatintero sa mga humahagibis na sasakyan.

Dahil hindi gagawin ng GMA na ibaba ang Martial Law.  PP 1017 at CPR lang ang kaya niya, original pa sa rehimen niya.

Dahil hindi sinusubaybayan, hina-harass at tinitiktikan ng estado ang mga telepono, cellphone at websites ng mga mamamayang nagpapahayag ng saloobing laban sa pamahalaan.

Dahil lahat ng kinasangkutang anomalya ng mga politiko ay nareresolba sa taong bayan at hindi naibabaon sa limot o ng iba pang mga iskandalo.

Dahil ipinagbunyi ng sambayanan ang pagkakabilang ni Palparan sa mga bagong-upong kongresista at tagalikha ng batas.

Dahil kinikilala ng pangulo ang mga puna sa kanyang pamumuno at hindi niya ito binabansagang mga pamumulitika lamang.  Ang mahusay na pinuno ay nakikinig sa kanyang pinamumunuan at hindi sila pinipilit na makinig sa kanya sa pamamagitan ng pagsususpinde ng klase sa lahat ng antas sa mismong araw ng kanyang SONA.

Dahil kayang ipaglaban ng bawat isa ang kanyang karapatan nang hindi pinapatay, binubugbog, pinagbabantaan, dinudukot o inaaresto.  Hindi sinasagkaan ng mga pulis at sundalo ang pagpapahayag ng saloobin ng mga mamamayang wala namang ibang armas kundi ang kanilang mga paninindigan.

Dahil ang pagrereklamo ay para lang sa mga taong walang kasiyahan sa buhay at laging nakakakita ng mali sa iba.  At dahil ang pananahimik ay simbolo ng maayos na breeding, maliban sa mga  mayayamang nangmumura ng mga hamak na mga empleyado, tama lang iyun, mayaman naman sila e.

Dahil ang komitment sa paglahok sa mga usapin ng bansa ay masusukat sa pagsusuot ng mga “in” na dog tag.

Dahil ang internet ang pinakamakapangyarihang lunsaran ng protesta.

Dahil hindi nangyari ang People power at EDSA 2 sa Pilipinas at walang pinunong pinatalsik ng sama-samang pagkilos ng mamamayan.  At hindi kailanman magkakaisa ang mga Pilipino para igiit ang kanilang mga karapatan.

Dahil kuntento na tayo sa ganito at ayaw na natin ng pagbabago.

Bravo, Gloria!  Sinalamin talaga ng SONA 2009 ang tunay na kalagayan ng sambayanan…

ORA DE PELIGRO

(Note: bagamat alas tres ang kadalasang umpisa ng SONA ng Pangulo, ang ala una ang itinuturing na “ora de peligro” o crucial hour ng mga naghahanda sa magiging pagsalubong nila sa ulat ng pangulo.)

Nambubulahaw na

ang tahimik na ngiti ng haring araw

nanunuot sa maburak na pusalian

sa ilalim ng gawa-gawang tulay

na pinaninimbangan ng isang manininda,

kasunod ang isang drayber

na naghahabol sa maagang pasada

upang maski papaano’y makapag-ipon ng kaunting barya

bago mag-umpisa ang litanya ng reyna

sa hudyat ng ala una.

Nanggigising ng dugo

Ang daluyong ng malamig na tubig

Mula sa kalawanging dram

Na ipinampapaligo ng isang kabataang

Magdamag na naglaro ng pintura

Para iukit sa mukha ng katsa

Ang mga leksyong hindi niya napulot sa eskwela

Bago mag-umpisa ang litanya ng reyna

Sa hudyat ng ala una.

Umaalingawngaw ang halimuyak

Ng insenso sa altar

Ng paring maagang gumising para plantsahin

Ang luma niyang sandalyas at sutana

At ihanda ang  agua benditang

Pangwisik sa mga impakto at impakta

Na mahilig sumayaw ng cha-cha

Bago mag-umpisa ang litanya ng reyna

Sa hudyat ng ala una.

Tumatagos ang lamig ng semento

Sa yayat na likuran

ng mga magsasakang

pansamantalang bumitaw

sa kanilang mga araro

upang humawak ng mga placard

at ilusong sa maalikabok na lansangan

ang pudpod nilang mga sinelas

bilang pagpupugay

sa mga kasapakat ng mga panginoong may lupa

bago mag-umpisa ang litanya ng reyna

sa hudyat ng ala una.

naghuhumiyaw ang bawat bula

sa kumukulong kape

na tanging laman ng tiyan

ng isang manggagawang

hindi muna makikipagniig sa kanyang makina

para pasanin sa kanyang matipunong mga balikat

ang higanteng larawan

ng patron ng mga kapitalista

bago mag-umpisa ang litanya ng reyna

sa hudyat ng ala una.

 

Sa hudyat ng ala-una

Sasagitsit ang preno ng mga sasakyan

Magsasara ang mga mumunting tindahan

Lalabas ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan

Isasara ang pintuan ng simbahan

Dadagundong ang yabag ng mga inagawan ng kabuhayan

Sasakay sa balikat ng mga bayani ng pagawaan

Ang kasuklam-suklam na imahe

Ng kasakiman, kapalaluan at kasinungalingan

Para iparada sa mga lansangan

Ang tunay na anyo ng kanyang pamahalaan

Para iparinig sa mga nagbibingi-bingihan

Ang litanya ng kahirapan at kawalang katarungan

At para isigaw sa harap ng Batasan

Ang  sinikil na tinig ng mamamayan.

 

At ang litanya ng nang-aalipusta

Ay lulunurin ng tinig nilang mga inaalipusta

Na hindi na maniniwala pang muli

Sa mga kasinungalingang taon-taong hinahabi

Ng palalong reyna

Sa hudyat ng ala una.

 

ang pagliliyab ng palalong reyna bago mag-umpisa ang kanyang litanya

ang pagliliyab ng palalong reyna bago mag-umpisa ang kanyang litanya (kuha ni ronvil)

Aral mula sa mga Pukyutan

Kahapon ay national transport strike dapat, pero marami pa ring pumasada.  Nagkaroon pa ng kaguluhan sa hanay mismo ng mga tsuper dahil sa ilang tsuper na “hindi nakisama”.  Ang totoo’y hindi lang ito usapin ng pakikisama, usapin ito ng paninindigan para sa interes ng maliliit.

Hindi natin masisisi ang mga kababayan nating tsuper, lubhang mahalaga sa kanila bawat pasada lalo sa matinding krisis ng bansa natin sa ngayon.  Bagamat alam naman nating naniniwala silang para sa kanila rin naman ang ganitong mga kilos-protesta, mas madaling magbingi-bingihan sa tawag ng paninindigan kaysa sa palahaw ng sikmurang kumakalam.  Tinatalo ng pangangailangan ang paninindigan.

At ito rin mismo ang kailangan nating paglimi-limian.  Oo nga’t matindi ang krisis sa bayan natin pero lalong walang mangyayari kung hindi tayo kikilos.  Kung hindi natin ipapamukha sa mga nasa kapangyarihan na wala silang mapapala kung kakalabanin nila ang mga taong dahilan ng kanilang yaman at kaginhawaan sa buhay.  Walang magbabago, malilimitahan na lang tayo sa mga himutok at mga reklamong wala rin namang patutunguhan.

Pareho rin ng mga welga, kung meron at merong iskirol, humihina ang laban ng kabuuan, napapalambot ang paninindigan at mas madaling nabubuwag ang hanay.  Alam nating walang laban ang mga tulad nating maliliit sa mga makapangyarihan sa bansang ito at lalo nila tayong titirisin kung hindi tayo kumikilos bilang isa.  Dahil kung tutuusin, walang dapat ipagmayabang ang mga makapangyarihan sa bayang ito dahil ang kapangyarihang inaangkin nila ay galing din sa ating mga maralita.

May leksyon tayong matututunan sa mga pukyutan (honeybee).  Tulad ng mga langgam ay organisado ang kanilang pagkilos, sama-sama, tulong-tulong.  At kung susubukan mong atakihin ang isa sa kanila, siguradong buong colony ang kalaban mo.  Kaya ng mga puktuyan na pumatay ng tao o kahit ng baka sa pamamagitan ng makamandag nilang kagat.  Ang malungkot lang na parte, kapag kumagat na sila, sigurado na ang kanilang kamatayan dahil ang panusok sa kanilang puwitan ay maiiwan sa balat ng kinagat kaya mabubunot ito mula sa kanilang mga katawan.  Isang sakripisyong buong-buhay nilang pinaghahandaan sa ngalan ng pagtatanggol sa kanilang pulot, reyna at tahanan.

Pinatunayan na rin naman ng kasaysayan na ang ating mga kababayan ay handa ring magsakripisyo kung kinakailangan.  Pero ang tanong, hindi ba’t ngayon pinakamatindi ang pangangailangan ng maliit man o malaking sakripisyo?  Kung hindi tayo kikilos ngayon, wag nating asahang may magbabago sa kinabukasan.  Wala nang libre sa mundong ito, lahat na ay pinagbabayaran at kasama na rito ang pagtataguyod sa ating mga karapatan.  Walang ibang gagawa nito para sa atin kung hindi tayo mismong mga api’t pinagsasamantalahan.

Alam naman nating tao ang highest form of living creature dahil sa kakayahan niyang mag-analisa at magsatinig ng kanyang nararamdaman.  Hahayaan ba nating daigin pa tayo ng mga hayop sa paggigiit at pakikipaglaban para sa ating mga karapatan?

Malapit na ang SONA

Sa mga taong may sariling mga mundo, ang State of the Nation Address sa July 27 ay isang petsang dapat paghandaan:

half-day lang ang mga klase at iba pang establisimento;

siguradong matrapik na naman sa Commonwealth;

mahirap nang sumakay pag pumatak na ang ala-una;

marami na namang taong mag-iingay at magmamartsa sa lansangan.

Pero sa mga naniniwalang may magagawa pa rin ang sama-samang pagkilos, ang July 27 ang deadliest of deadlines:

ng pag-iimbita sa mga sasali sa pagkilos,

paggawa ng mga streamers, plakards at effigies,

pag-hanting sa mga nagtatagong miyembro ng mga progresibong organisasyon,

pagpapadala ng mga media advisory,

pagsulat ng mga propaganda materials,

pakikipag-ugnayan sa mga personalidad na maaring dumalo, at

pagbo-blog ukol dito.

Ang SONA ay hindi lang simpleng araw sa ating bansa.  Ito ang araw ng pagsampal sa atin ng mga kasinungalingang pilit na ipinalulunok sa madla ng mga makapangyarihan sa bayang ito.

Ang SONA din ang pagkakataon nating mga maralita na ipamukha sa rehimeng ito na bagamat tayo’y maralita, hindi tayo kumakain ng panis na mga pangako at inuuod na mga pantasya.

SONA na!

igisa ang palalong pinuno at mga alipores niya sa sarili nilang mantika (anime mula sa blog ni jangirl)

igisa ang palalong pinuno at mga alipores niya sa sarili nilang mantika (anime mula sa blog ni jangirl)

BlogCatalog

Political Activism Blogs - BlogCatalog Blog Directory

Imortalidad

“If  serving the people and fighting for their rights is a crime then I plead guilty as charged!” – Crispin “Ka Bel” Beltran

Higit isang taon nang patay si Ka Bel.

Pero patunay ang dami ng taong dumagsa sa pagpapasinaya ng kanyang marker sa Plaza Miranda noong ika-20 ng Mayo ng taong kasalukuyan, hindi inaasahang sapat ang kamatayan para tapusin ang mga simulaing pinanghawakan ni Ka Bel hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.  Hindi dito natatapos ang laban ni Ka Bel.

(ang larawan ay kuha ni Kenneth Guda)

(ang larawan ay kuha ni Kenneth Guda)

Hindi lang si Ka Bel ang inusig, pinahirapan, dinakip at binale-wala ng isang gobyernong  takot sa mga kumakalaban sa kanya habang nangungunyapit sa kanyang pwesto.

Layunin ng blog na ito na kilalanin ang mga dapat kilalanin.  Ang mga taong may makabuluhang iniambag sa lipunan sa kabila ng mga maiikli at masasalimuot nilang buhay at ang wala sa panahong pagpanaw.  Bukas ito sa lahat ng gustong mag-ambag ng kanilang pagtingin at kahit mga likha.

Kakapurit na diwa lamang ang bawat isa sa atin sa mundong ating ginagalawan.  Subalit ang bawat tilamsik ng himagsik ay titis na maaaring magpaningas sa isang pagkilos para sa pagbabago.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.