Ngayon ko na lang ulit maa-update ang blog kong ito.
Marami nang nangyari sa political scenery ng ating bansa. Ang pagtatangkang pag-isahin ang oposisyon ay nakasalalay pa rin sa kung gaano kalaki ang kayang isakripisyo ng mga pulitiko para sa kanilang partido. Alam naman nating mahirap matutong magbigay ang sadyang madamot.
Sa panahong ito, isang karnabal ang nag-uumpisang lumatag sa harap ng madla. Same old faces, same old issues. Nalulong na ang lahat sa election fever at nakaligtaan na ang mga maiinit na isyung kinakaharap sa ngayon. Lalo na iyung nagsasangkot kay GMA at sa kanyang pamilya. Tila ba “ceasefire” muna sa mga bangayan dahil abala pa ang bawat panig sa pangangabig at pagpapalaki ng kanilang kasapian.
Sa totoo lang, bagamat sinasabing democratic process ang eleksyon, nananatili itong laro ng mga naghaharing uri. Sa hanay ng mga presidentiables, meron na bang lumutang na talagang galing sa masa?
Si Noynoy, mula sa pamilya ng mga Cojuangco na malalaking panginoong may lupa sa Tarlac. Huwag nating kalilimutang may liability pa si Noynoy sa nangyaring massacre sa Hacienda Luisita noong 2004.
Si Manny Villar na dati raw taga-Tondo pero nagpademolish ng libu-libong pamilya sa Bulacan para maitayo ang kanyang mga subdibisyon. Bagamat sinasabi niyang dati siyang iskwater, malinaw na wala siyang puso para sa mahihirap gaya ng gusto niyang ipakita sa kanyang mga patalastas.
Si Loren Legarda na wala pang napapatunayan sa kanyang mga kakayahan at tila ba idinadaan ang lahat sa kanyang garil na pananagalog at maayos na pananamit.
Si Jamby na isang eredera at marami pang kailangang aralin sa kalakalan ng lipunang hindi naman niya nilulubugan.
Si Chiz, na hindi rin gaanong maingay ang pagtingin at paninindigan sa mga isyu. Sasabihin niya kung ano ang gustong marinig ng madla at hindi iyong ayon sa kaya at gusto niyang gawin.
Kahit si Erap na pinatalsik noong 2001, nakakapagpanatili pa rin ng hatak sa madla at may clout pa rin sa mga pulitikong gustong mahawahan ng “magic” ni Erap sa mga mahihirap na nalimutan yata niyang alalahanin sa panahong nagpapakalunod siya sa red wine at iba pang materyal na luho.
At siyempre, ang mga kandidato ng administrasyon na alam nating tatakbo para mapanatili ang political clout o impluwensiya ng grupo ni GMA. Sa dami ng kinakaharap na kaso ni GMA at ng kanyang mga alipores, kelangang mapanatili nila ang kanilang impluwensiya beyond 2010 para hindi ma-persecute o masingil ang pangkatin ni GMA matapos mawala ang kanyang immunity from suit bilang presidente ng bansa sa kasalukuyan. Sa kasalukuyang imahe ng administrasyon, “kiss of death” para sa sinumang presidentiable ang basbas o endorsement ni GMA.
Siyempre rin, maraming kababayan natin ang gustong bumoto sa paniniwalang nakikibahagi sila sa pagbabago pero marami rin ang bumoboto para sa kakaunting benepisyong alam nilang hindi nila makukuha kung hindi panahon ng eleksyon. Sa mula’t-sapul, dinodominahan ng mga naghaharing uri ang eleksyon at matapos akitin, hingiin o bilhin ang boto ng mahihirap, nanatili sa kanilang paghahari bilang mga pinuno. Mga pinunong nagtatamasa ng luho at karangyaan sa kabila ng paghihirap ng kanyang pinamumunuan.
At tulad ng isang karnabal na makulay, maingay at masaya…ang tanging naiiwan sa mga manonood pagkatapos ng lahat ay ang mga kalat at pangarap na kasamang naitapon sa basurahan.



